
Wala nang lusot sa kamay ng batas ang mga kriminal na gumagamit ng Facebook messenger sa kanilang kalokohan.
Ito’y matapos ilabas ng Supreme Court (SC) ang desisyon na nagdedeklara sa mga chat at larawan na ipinadala sa messenger bilang katanggap-tanggap na ebidensiya sa korte kung ang mga ito ay nakuha ng isang pribadong indibiduwal.
Ayon sa artikulo na nilabas sa SC website nitong Biyernes, ang desisyon ay mula sa kaso ni Christian Cadajas.
Hinatulan si Cadajas sa kasong paglabag sa Anti-Child Pornography Act.
Noong 2016, ang 24-anyos pa lamang na si Cadajas ay nakipag-chat sa isang 14-anyos na babae sa messenger at hiningian niya ito ng mga hubad na larawan. Nabasa ng ina ng dalagita ang kanilang mga message at pinilit niya ang anak na bigyan siya ng screenshot ng mga ito.
Sa pagharap sa korte, dumepensa si Cadajas na hindi dapat tanggapin bilang ebidensiya ang chat nila sa messenger dahil pinapasok na umano ang kanyang privacy.
Ngunit ayon sa SC, ang right to privacy na nasa batas ay pumoprotekta sa publiko laban sa panghihimasok ng mga alagad ng batas.
Sa kaso ni Cadajas, hindi gobyerno ang humalungkat ng mga chat niya sa messenger kundi ang ina ng dalagita na isang pribadong indibiduwal.
Dagdag pa ng SC, hindi swak ang depensa ng akusado sa Data Privacy Act. Kaya naman, pinanghawakan ng SC ang desisyon na nagdidiin sa akusado sa kanyang kaso. (Mark Joven Delantar)