
Nauna nang nagbabala ang Department of Justice (DOJ) sa mga online lending company na nangha-harass sa paniningil, na maaaring maharap ang mga ito sa kasong kriminal.
Ano ang maaaring gawin ng mga nangutang sakaling harassin ng mga online lending company?
Ayon sa DOJ, puwedeng sumangguni ang mga borrower sa National Bureau of Investigation-Cybercrime Division, Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group, National Privacy Commission at Securities and Exchange Commission.
Ano ang mga hindi dapat gawin o maaaring maging paglabag ng mga debt collector o naniningil ng utang?
· Pag-access sa contact list ng mga may utang para padalhan ng mga non-payment message
· Pag-post online ng personal na impormasyon ng mga may utang para hiyain sila
· Pagbabanta sa mga may utang
· Paggamit ng bastos na pananalita
Ang mga nasabing uri ng pangha-harass ay paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Data Privacy Act, Revised Penal Code at memorandum circular mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ang isang online lending firm na nakakakuha ng hindi awtorisadong pag-access sa contact list ng may utang ay maaaring maging illegal access sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act. Ito ay maaaring makulong ng hanggang 12 taon at multa ng hindi bababa sa P200,000.
Ang malisyosong pagsisiwalat o paglalathala ng mga pangalan at iba pang personal at sensitibong impormasyon ng mga borrower na diumano’y tumangging magbayad ng mga utang ay may parusa sa ilalim ng Data Privacy Act. Ang pakikipag-ugnayan sa mga contact list ng nanghihiram ay mapaparusahan din sa ilalim ng parehong batas.
Ang pagsisiwalat ay may parusang hanggang limang taong pagkakakulong at hanggang P1 milyon na multa. Ang labag sa batas na pagpoproseso ng data ay may kulong naman mula isa hanggang pitong taon at maaaring mapatawan ng multa na hanggang P4 milyon.
Ang paggamit naman ng pang-iinsulto o bastos na pananalita at mga banta ng pisikal na karahasan at pananakit ay parehong mapaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code, na maaaring mapataas ang mga parusa sa Cybercrime Prevention Act.
Sa ilalim ng SEC Memorandum Circular No. 18, Series of 2019, ang mga kompanyang nagpapautang at financing company ay maaaring maharap sa multang P25,000 sa first offense, na hanggang P50,000 sa second offense para sa mga lending company.
P50,000 naman para sa first offense hanggang P100,000 sa second offense para sa mga financing company.