
Nagkaloob ng isang milyong Singapore dollar o katumbas ng P41.4 milyon ang bilyonaryong Indonesian kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nangakong susuportahan ang mga programa nito lalo na ang may kinalaman sa social welfare at kalusugan.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nakipagkita sa Pangulo ang Indonesian businessman na si Dato’ Sari Tahir sa Malacanang at nagbigay ng pangakong tutulong sa Marcos administration na mapahusay ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng social work at low-cost housing.
Sinabi ng bilyonaryong negosyante na natutuwa siyang makita at personal na maipaabot ang pagbati sa Pangulo sa pagkapanalo nito sa eleksiyon.
Una umanong nakita at nakilala ni Tahir ang pamilya Marcos sa Hawaii noong na-exile ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“So maybe I use this opportunity. I like to see, explore, we can work together in social work. We have been working in the region. So, I hope that, with your permission, with your support, let me arrange to explore,” ani Tahir.
Inilatag naman ng Pangulo ang mga ipinatutupad na programa ng kanyang gobyerno para sa mga bata, matatanda pati na ang mga isinusulong na inisyatiba sa pabahay.
Binigyang-diin ng Presidente na puspusan ang ginagawa ngayon ng kanyang gobyerno sa pabahay upang makahabol sa target na isang milyong housing units kada taon.
“We have a program that we are going to start for the street children. Unfortunately, we still have people who are homeless. So, we are trying to look after them,” said the President, adding the government program for senior citizens to help them financially and medically,” anang Pangulo.
Interesado ang bilyonaryong negosyante na magtayo ng hospital sa Pilipinas gaya ng ipinatayo nitong pinakamalaking hospital sa Indonesia. (Aileen Taliping)