
Sisikapin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mapalitan ngayong buwan ang mahigit pitong libong national ID na nasunog sa Manila Central Post Office noong nakalipas na linggo.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PSA Deputy National Statistician Fred Sollesta, target nilang ma-reprint at mai-release ngayong Hunyo ang mga nasunog na ID na para sa mga taga-Lungsod ng Maynila.
Naisumite na aniya ng PhilPost ang mga impormasyon at kung anong cards ang nasunog kaya minamadali na ang re-printing sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
“They (PhilPost) have already forwarded the information, data kung anong cards ang affected and tini-trigger na namin ang reprinting sa BSP. We target that some time in June, mare-release na namin ‘yan sa PhilPost para ma-deliver sa registrants,” ani Sollesta.
Sinabi ng opisyal na sa kabuuan ay mayroon ng 79.12 milyong mga Pilipino ang nagparehistro para sa kanilang national ID at 76.17 million na sa mga ito ang nabigyan na ng PhylSys number.
Batay sa kanilang datos, sinabi ni Sollesta na nakapag-print na sila ng 37.73 million ID cards na nakahanda ng i-deliver sa mga susunod na araw.
Aminado ang opisyal na malaki-laki pa ang kanilang backlog kaya nag-isyu ang PSA ng mahigit 34 million na e-Phil IDs bilang alternatibong ID habang wala pa ang aktuwal na ID card at sisikaping matapos ito sa susunod na taon. (Aileen Taliping)