MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa publiko noong Biyernes ng hapon dahil muling nawalan ng kuryente ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
“Muli, nais naming humingi ng paumanhin sa lahat ng mga pasahero at stakeholders dito sa Terminal 3 ngayon na naabala dahil sa panandaliang pagkaputol ng kuryente na nakaapekto sa terminal,” ani MIAA officer in charge Bryan Co sa isang briefing,
Nauna nang ibinahagi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagkaroon ng power outage sa Terminal 3 mula 12:52 p.m. hanggang 1:28 p.m., at sinabi ni Co na naibalik ang kuryente sa 1:29 p.m.
Walang nakanselang flight, ngunit ang power interruption ay nagresulta sa pagkaantala ng pitong flight.
Sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na ang pagkawala ng kuryente ay nagdulot din ng mahabang linya sa mga immigration counter.
Ayon sa MIAA, hindi sinasadyang iniwan ng isang tauhan ng Meralco subsidiary na MServ ang isang testing cable na nakakabit sa isa sa mga electric equipment na naging sanhi ng pagkaputol ng kuryente. RNT
