
Ibinunyag ni Senador Raffy Tulfo ang mga bigating oil smuggler sa bansa matapos ang kanyang consultation meeting sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Kinilala ni Tulfo, chairman ng Senate energy committee, ang mga smuggler na sina Don Rabonza, Sonny Qiu, Jackie Chu , Aron Uy, at Lyndon Tan na nag-o-operate sa Batangas at Sariaya, Quezon at Alex Chua, Bogs Violago, Jong Mangudadatu at Dondon Alahas na nag-o-operate naman sa Mariveles, Bataan.
Kinastigo naman ni Tulfo ang mga mataas na opisyal na hindi dumalo sa ipinatawag niyang consultation meeting at sa halip ay ipinadala na lamang ang “cannon fodder” BOC Special agent II Anthony Escandor para sagutin ang kanyang mga katanungan.
Sinabi ni Escandor kay Tulfo na hindi kilala ang mga taong binanggit nito.
“You (Escandor) are not the right person to be here. I want to see the (BOC) Commissioner (Yogi Felimon L. Ruiz),” ani Tulfo.
Sa pagdinig ng Senate agriculture committee noong Miyerkules, kinuwestiyon ang pagkabigo ni Ruiz pagkabigo nilang dumalo at tumestigo sa nasisirang industriya ng asin sa bansa.
Sabi ni Tulfo, hihilingin sa Senate blue ribbon committee na imbestigahan pa ang talamak na oil at gasoline smuggling at ipatawag ang mga oil smuggler.
“It is sad that the Customs bureau allows big-time smugglers to go their merry way but is strict on the small fishes,” ani Tulfo. (Dindo Matining)














