Category Archives: Hong Kong

22 buwang kulong para sa nagnakaw ng alahas sa amo

Dalawampu’t dalawang buwang pagkakakulong ang ipinataw na parusa ng Shatin Court ngayon sa isang Pilipina sa salang pagnanakaw ng mga alahas ng kanyang amo sa Ma On Shan.

Inamin ni Marivic Hitalia, 35 taong gulang na domestic helper, na ninakaw niya ang limang piraso ng alahas ng kanyang amo na nagkakahalaga ng $46,000 at nabawi sa pawn shop, pero itinangging ninakaw din niya ang 20 pang piraso ng alahas na nagkakahalaga ng $226,000.

Ang krimen ay nangyari sa pagitan ng Aug. 1, 2022 hanggang Oct. 28, 2022 sa bahay ng amo ni Hitalia.

Itinuro siyang nagnakaw ng pitong gintong kuwintas, 14 na gintong pulseras, tatlong gintong singsing, at isang gintong hikaw, na pag-aaring lahat ng kanyang among babae.

Ayon kay Hitalia, malamang na naitapon ang iba pang mga alahas na isinilid niya sa isang pulang kahon dahil sa kaguluhan noong sila ay naglilipat-bahay, pero hindi ito pinaniwalaan ni Deputy Magistrate Chan Yip-hei.

Sa halip ay binigyang halaga ni Magistrate Chan ang testimonya ng among si Siu Yee Kwan na inamin ng Pilipina sa kanya na ninakaw niya ang lahat ng nawalang alahas, na karamihan ay hindi na nabawi.

Sa kanyang desisyong binasa sa English at isinalin sa Tagalog, sinabi ni Chan na wala siyang nakitang dahilan para pagdudahan ang mga akusasyon sa Pilipina.

“Nakita ko na ang nasasakdal ay hindi kapanipaniwala,” wika niya.

Sa paghingi ng mas magaang na parusa para kay Hitalia, sinabi ng abogado niya na napilitan siyang magnakaw upang maipalibing ang kanyang tiyahing namatay sa Pilipinas, at pagpapa-opera niya upang alisin ang tumor sa kanyang ovary.

Sinabi rin ng abogado na nagsisisi si Hitalia, na hiwalay sa asawa at may apat na anak na ipinaalaga niya sa kanyang kapatid na may pamilya rin, at humihingi ng tawad sa kanyang dating amo.

Sa kanyang paghahatol, tumanggi si Chan na bigyan ng karaniwang 1/3 diskwento si Hitalia dahil sa ginawa niyang pag-amin sa pagnanakaw ng limang piraso ng alahas. Sa halip ay binawasan lang niya ng dalawang buwan ang 24 buwan na karaniwang ipinapataw sa mga ganitong nakawan.

Pero sinabi niya na posibleng mabawasan pa ang panahon ng Pilipina sa kulungan kung magpapakabait siya sa loob.

At dahil nakakulong na si Hitalia noon pang Nobyembre at ibinabawas din ang mga piyesta opisyal, itinatayang mahigit sa isang taon na lang ang natitira niyang pagsisilbihan.

Source: The Sun Hongkong

Pinoy na nabaril ng pulis, nakapag-piyansa

Pansamantalang nakalaya ang Pilipinong nabaril ng pulis nang tatlong beses matapos diumanong pumalag sa pag-aresto sa kanya noong gabi ng Jan. 24, nang ipagpaliban kanina ang pagdinig sa kaso niya sa Eastern Court.

Itinakda ni Principal Magistrate Ivy Chui sa July 11 ang susunod na pagdinig ng kaso ni Oliver Arimas, 43 taong gulang na negosyante, na nahaharap sa dalawang kaso ng pananakit sa dalawang pulis habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Pinag-piyansa siya ng $5,000.

Ang kasama niya sa kaso na si Cioni Chris Sacdalan, 33 taong gulang, na kinasuhan ng pananakit sa isang pulis habang ginagawa ang tungkulin at pagharang sa gawain nito, ay dati nang nakakalaya sa piyansang $2,000.

Itinuloy ni Chui ang iba pang kondisyon ng kanilang pagpapalaya, gaya ng pananatili nila sa Hong Kong hanggang matapos ang kaso, regular na pag-report sa pulis at pag-iwas na makausap ang mga testigo.

Sa una ay hindi sang-ayon ni Chui sa hiling ng abogado ng dalawa na ipagpaliban ang pagdinig dahil ikalawang beses na itong mauudlot simula nang pag-isahin noong Abril ang magkahiwalay na asunto nila.  

Pero pumayag siya matapos sabihin ng mga abogado na may inaayos silang plea bargain sa Department of Justice.

Pinayuhan sila ni Chui na gawin na agad ang panukala habang maaga upang mabigyan ng panahon ang DOJ na pag-aralan ito bago ang susunod na pagdinig. 

Ayon sa sakdal, nabaril si Arimas nang tatlong beses matapos niyang sakalin ang isang pulis habang inaaretso siya nito dahil sa pag-iingay habang nakikipag-inuman sa tinutuluyang bahay sa Wing On St. sa Peng Chau nong Jan. 24. Sinaktan rin niya umano ang ikalawang pulis.

Habang nakaratay siya sa ospital dahil sa tama niya sa braso, balikat at tiyan, kinasuhan siya ng dalawang kaso ng pananakit ng dalawang pulis habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin.

Si Sacdalan naman ay inakusahan ng pananakit sa isang pulis at pagpigil dito sa pagtupad ng kanyang tungkulin.

Source: The Sun Hongkong